Damang-dama ko pa ang mga pasa sa aking katawan kung saan ako tinamaan ng mga suntok at hampas ng aking ama-amahan. Hirap huminga at halos di ko maigalaw ang buong katawan sa sakit. Kaya tuwing malulubak o titigil ang bus ay halos himatayin ako at gusto na lamang humilata sa sahig. Katabi ko ang aking tiyahin na hindi ako kinikibo mula pa nung umalis kami sa bahay. Sa apat na oras na itinagal nitong biyahe ay minsan niya lang ako kinausap upang murahin para wag masyadong magalaw at naiirita daw siya. Malayo pala ang probinsya ng aking nanay, at may katagalan pa ang biyahe. Pinipilit ko na lang tiisin ang sakit ng katawan, mahigpit na hinahawakan ang likod ng upuan sa aking harapan para pigilan ang pag-aray.
Noong isang gabi, umuwi ako galing sa kasiyahan ng aking mga kabarkada. Ako ang pinaka-bata sa grupo, labing-apat na taon at katitigil lamang sa pag-aaral dahil sa sobrang baba ng mga marka sa paaralan. Palibhasa ay bangag sa paghithit ng rugby, halos magiba ko ang pinto ng aming gutay-gutay ng bahay nung ilang beses ko rin itong sinipa sa pagdadabog. Sinigaw ko ang aking pagkadismaya at pinagsarahan ako ng bahay, di iniintindi ang pagkahol ng mga aso sa paligid. Bigla na lamang bumukas ang pinto at nakita ko ang asawa ng aking ina na may hawak na tubo. Inisip kong tumakbo ngunit nangibabaw ang tapang at lalo ko siyang hinamon na pagbuhatan ako ng kamay. Kaya heto na at di halos makagalaw. Kung hindi siguro sa patuloy na pag-iyak at pag-awat ng aking nanay ay mas malala pa sana ang mga natamo, buti na lamang at hindi lasing ang gago dahil kung hindi ay pareho siguro kaming lumpo na ngayon ni nanay.
Kagabi lang ako kinausap ni nanay na pinadalhan na niya ng telegrama ang kanyang kapatid at pinakiusap na doon muna ako sa probinsya makiki-tira. Bukod daw sa nangyari noong gabing iyon ay natatakot din daw siya sa pagkawala ng trabaho ng kaniyang asawa. Madalas kasi pag walang kita ay napapa-inom ito at ako ang napagbubuntungan ng galit.. Ayaw ko pumayag at tinangka kong maglayas noong gabi ding yun. Sa kamalas-malasang pagkakataon ay nahuli ako ng ama-amahan ko sa kanto habang nakikipag-inom at nagulpi na naman sa pangalawang pagkakataon. Napuno ako ng poot para sa kanya ngunit hindi na nakaya ng aking katawan ang magpumiglas pa.
Noong umaga din na iyon ay dumating ang isa pang kapatid ng nanay ko upang ihatid ako sa probinsya. Iika-ika kong pinilit na maglakad na kinagalit ng aking tiya na nagmamadali at baka daw maiwanan pa kami ng bus. Dala ang isang bag na naglalaman ng mga damit, konting pera at ilang mga pansariling kagamitan, di ko tiyak kung hanggang kelan ako mamamalagi sa aking pinatutunguhan.
Gabi na noong nakarating kami sa bahay ng tiya ko. Unang pagkakataon ko pa lamang makarating sa kanilang barong-barong sa tabi ng malawak na sakahan. Mula pagbaba ng bus, kinailangan pa naming sumakay ng dyip at dalawang magkahiwalay na traysikel upang umabot dito. Lalong sumakit ang aking katawan at halos himatayin ako noong sinabi na sa wakas ay nakarating na kami. Pagpasok ko sa pintuan ay nakatitig sa akin ang lahat, puro pasa ang mukha, payat at pasan ang malaking bag na halos ay sumayad na sa lupa.
“Ikaw ba si JP?” Tanong ng babae na di ko nakikilala kung siya na nga ang panganay na kapatid ng aking nanay.
“Opo.”
“Punyetang bata ka, pumunta ka na nga sa ate Puring at magmano ka, walang modo!” Sumbat ng isa kong tiya. Nilapitan ko ang babae at nagmano. Hindi siya tumayo mula sa papag na nagsisilbing upuan sa harap ng maliit na telebisyon. Sa lapag ay nakaupo ang dalawang binatilyo sa hula ko ang aking mga pinsan. Sa isang sulok ay isang babae na may karga-kargang sanggol.
“San mo balak pumuwesto matulog?” Tanong ni Tiya Puring.
“Ah e… kahit saan lang po.” Sagot ko habang napapa-tingin sa paligid. Bukod sa sulok sa may likod ng pinto o sa ilalim ng maliit na hapag ay mistulang wala na akong mapupuwestuhan.
“Maliit lang bahay namin, ewan ko nga ba at bakit pinadala ka pa dito ni Grasya. Kami pa lang nga hirap na sa pagkain susuksuk ka pa.”
“At paano, puro barkada at rugby lang ang inatupag niyan!” Tinitigan lang ako ni Tiya Puring mula ulo hanggang paa. Hindi ko alam ano gagawin at nakatayo lang ako sa bandang kanan niya. Napalingon siya sa telebisyon at ako ay nakalimutan panandali.
“Dito ka na sa tabi, sa may pinto. Matulog ka na at nang makapagpahinga.” Sabi ng isa kong tiya. Nakalimutan niya ata na di pa ako kumakain habang ngumunguya ng baong biskwit. Sumunod naman ako at hindi pa nag-iinit ang puwet sa pagkaupo ay tinamaan na bigla ng pagod at napahiga at nakatulog sa puwesto.
Ako ay nagising sa pag-alog ni Tiya Puring. Ang mga pinsan ko ay may kaniya-kanyang pwesto na sa lapag at may hawak na pinggang yari sa bakal na kulay arinola. Itinuro ng tiya ko ang hapag at ako raw ay kumain na. Bumangon ako sa pagkakahiga at mabagal na naglakad patungo sa kabilang banda ng bahay. May nakaupong mama sa kabisera ng hapag. Napatingin ito sa akin at ako ay natigilan.
“Ito ba ang disgrasya ni Grasya?”, sabay tingin kay Tiya Puring.
“Oo yan na nga. O Jepoy, mag-mano ka na muna kay Tiyo Koronel mo.” Inabot ko ang may kani-kaning kamay niya at nag-mano.
“O sige kain ka na. Pasensya ka na yan lang usong pagkain dito, ha.” Ang hapag ay nalatagan ng tatlong plato na naglalaman ng kanin na halos puro tutong ang pagkaluto, bagoong na pinigaan ng kalamansi, at ang natira sa dalawang lata ng sardinas. Bagama’t payak ay mistulang mas marami pa rin kaysa kinasanayan kong kanin, mantika at toyo sa aming sariling bahay. Dumampot ako ng plato at kumuha ng pagkain. “Magtira ka na lang ng konti para sa Kuya Nonoy mo. Pauwi na siguro iyon galing pasada.” Tumungo ako at pinigilan ang sarili sa pagdakma ng ikalawang piraso ng sardinas. Bumalik na ako sa inangkin na puwesto sa may pinto at naubos ang pagkain ng ilang dakot lamang.
“Tiya Puring, may tubig po ba kayo?” Ininguso niya ang banga na may gripo, dali-dali akong umabot ng baso at umigib ng tubig bago ako mamatay sa pagka-bilaok. Sa wakas nagkalaman din ang tiyan ko.
Tumayo si Tiyo Koronel at hinugasan ang kaniyang plato sa batya. Sinabihan ako na iwanan na lamang ang plato ko at baso sa tabi ng batya at ang ate Cora ko na daw ang maghuhugas. Inutusan niya ang sumunod sa panganay niyang anak na lalake, si Kuya Bebot, na mag-igib mula sa poso para sa banga at sa timba na gagamitin sa paghuhugas. Tumayo si kuya Bebot at kumuha ng dalawang malaking timba at lumabas. Si Tiyo Koronel naman ay lumabas at nagpaalam sa asawa na manghihiram ng araro sa isang kapitbahay.
Ang unang araw ko sa bahay nina Tiya Puring at Tiyo Koronel ay napuno ng pagmamasid lamang. Walang kumakausap sa akin at hindi rin naman ako kumikibo.
Si Tiya Puring ang panganay sa magkakapatid nina nanay. Sa maghapon ay puro gawaing bahay lamang ang inatupag mula sa pagpilili sa bigas, pagpa-kain sa mga alagang manok at isang baboy at paglilinis ng bahay at bakuran. Minsan ay lumalabas ito pag may nakikitang kapitbahay na nasa labas, makikipag-usap at magtatawanan tungkol sa bagong mga usap-usapan at tsismis. Bagama’t mukhang masungit ay di naman kinaliligtaan ang pag-alok ng pagkain sa tuwing naghahain para sa tanghalian, meryenda at hapunan. Sa mga patay na oras ay may paborito itong puwesto sa may sampayan sa labas kung saan siya naninigarilyo ng kaniyang
Si Kuya Nonoy ang panganay na anak at namamasada ng traysikel sa umaga at hapon, kasabay ng pasukan at uwian ng paaralan. Sa kalagitnaan ng araw ay umuuwi ito para kumain at matulog. Ang asawa niyang si Ate Cora naman ay abala sa paghuhugas ng mga pinggan at plato tuwing tapos ng kain at paglalaba sa may poso ng mga damit ng buong mag-anak. Habang abala sa mga gawain na ito ay nasa tabi lamang niya ang anak nilang si Jonjon na kundi tulog sa kanyang istroler ay sumususo sa kaniyang ina. Nakatira sila sa isang kuwarto sa likod ng bahay ngunit pag araw ay dito namamalagi upang manood ng telebisyon at tumambay.
Ang dalawang sumunod na mga anak ay sina Kuya Bebot at si Reynan. Dalawang taon ang tanda sa akin ni Kuya Bebot habang kasing edad ko naman si Reynan. Sa umaga ay pumapasok sila sa paaralan at pagdating ng tanghali ay nasa labasan na at naglalaro o kaya pinapatulong sa gawain sa bukid ni Tiyo Koronel.
Ang bahay ay maliit lamang, halos iilang dipa lamang ang nilaki sa aming bahay sa skwater sa tabi ng riles sa Maynila. Wala itong mga kwarto sa loob. Sa gitna ay isang papag na yari sa kawayan. Sa isang sulok ang munting telebisyon na nakakabit sa baterya ng trak. Sa sulok na nagsisilbing kusina ay isang hapag kainan na yari naman sa bakal ang natutupi nitong mga paa at ang ibabaw naman sa kahoy na dinamitan ng dalawang patong ng plastik. Ang kusina ay may lababo na naglalaman ng batya, may banga at timba sa sulok at ang mga plato, baso at kubyertos naman sa kabilang dulo. Ang pagluluto ay ginagawa sa labas. Ang gatong ay kadalasan mga bao ng niyog na pinatuyo o di kaya uling na nakatabi sa isang malaking sako. Sa likod ng bahay ay ang hiwalay na kuwarto ng mag-asawang kuya Nonoy at ate Cora. Hindi kalayuan dito ay ang kulungan ng nag-iisang inahen na baboy, katabi ng isang maliit na kubo na kung saan nakapuwesto ang inodoro at nagsisilbing paliguan na rin. Ang mga manok ay malayang lumilibot sa bakuran ngunit pag gabi ay umuuwi sa isang maliit na bahay. Sementado ang sahig ng bahay, ngunit ang mga pader ay hindi pinalitadahan at ang bubong ay mga retasong yero. Gawa sa kahoy ang mga bintana na binubuksan kapag araw at nakasara sa gabi at dahil walang kuryente ang purok na ito, gasera o kaya de baterya ang kanilang mga ilaw.
Sa mga sumunod na araw ay nararamdaman ko ang pagka-buro sa bahay. Kaya pagka-hapon ay sumasama ako sa dalawa kong pinsan na maglibot. Kadalasan ay dinadalaw nila ang bahay ng isa nilang kaklase upang maglaro ng basketbol. May kalayuan din ito at bagamat ilang pilapil ang daraanan at tatawid ng isang batis ay tiniya-tiyaga nila ito para manood ng Slam Dunk sa telebisyon sa bahay ng kaklase at matapos ay maglaro ng basketbol, pilit ginagaya ang mga napanood. Minsan ay niyayaya nila ako makisama kapag kulang sila sa manlalaro ngunit madalas ay naglalakad lakad lang ako sa paligid, nagmamasid sa mga tao.
Isang beses ay sumama ako sa kanilang dalawa sa paliguan. Dito nila hilig maligo at lumangoy kapag mainit ang panahon. Natuklasan ko dito ang mga tulya na nakatira sa buhangin na nasa ilalim ng tubig. Sa pamamagitan ng pag-iipit sa mga maliliit na tulya na ito sa daliri ng mga paa ay nakakuha ako ng higit yata sa dalawang kilo. Gamit ang suot kong kamiseta ay inuwi ko ang mga ito at nang makita ni Tiyo Koronel ay niluto ang mga ito. Nabusog kaming lahat sa tulya na sinawsaw sa bagoong at kalamansi at mula noon ay gumaan ang loob ni Tiyo Koronel sa akin. Dahil dito ay napadalas ang aking pag-uwi ng mga matutuklasang pagkain. Mula sa kangkong sa mga paboritong pinagbababaran ng kalabaw, kuhol na hinuhuli kapag sumama ako sa Tiyo ko sa pagtatrabaho o mga papaya at langka na pinababayaan lamang sa mga gilid ng kabukiran, ginamit ko ito upang matuwa sa akin ang aking Tiyo at Tiya. Kapalit nito ay tinuring na rin ako tulad ng isa na nilang anak na labis ko naman na ikinatuwa.
Lingid sa aking kaalaman ay hindi pala lahat ay natutuwa sa akin sa bahay na iyon. Ang mga kabutihang ginagawa ko ay nagdudulot pala ng inggit at pagkainis sa dalawa kong kasing-edad na pinsan dahilan sa mas madalas na silang pagsabihan at pagalitan ng kanilang ama’t ina. Mabilis nang napupuna ang kanilang katamaran at paglalakwatsa nang walang katuturan at madalas ay ihambing sila sa akin na dapat daw ay tularan nila. Dahil sa inggit at pagkainis na ito ay hanggang sa lampas ng konti sa isang taon lang pala ako maninirahan sa bahay na iyon.
Ilang araw matapos manganak ang inaheng baboy ni Tiyo Koronel ay nakapulot ng tare na ginagamit sa panabong na manok si Reynan. Ito ang kaniyang naging paboritong laruan at kaniyang ginagamit sa paglalaro sa mga palaka, butiki at kung ano ano pang mga hayop ang kaniyang naaabutan. Sa isang pagkakataon habang ako ay pumipitas ng alatiris sa puno ng kapitbahay ay napansin ko na nakawala ang isa sa mga biik mula sa kanilang kulungan. Sinundan ko ito ng tingin maglakad hanggang sa may gilid ng bukid kung saan naglalaro si Reynan ng palihim gamit ang tare. Nung lapitan siya ng ligaw na biik ay kinuha niya ito at kitang-kita ko na ginilitan sa leeg. Tawang-tawa si Reynan sa humihinang pagpupumiglas ng kawawang biik at hinayaan itong tuluyang mamatay bago itinapon sa gitna ng palayan. Bigla akong tumalon pababa ng puno at sinugod si Reynan na hawak hawak pa ang duguang tare. Nagulat siya sa mabilis kong pagsugod at di na siya naka-iwas pa sa aking suntok. Nabitawan niya ang laruan habang pasabunot ko siya hinila papunta sa bahay at isinumbong sa kanyang nanay.
No comments:
Post a Comment